Aaargh!!! (Tagalog)

Ang bawat ako.

Patuloy na sasabayan ang araw na makakasama silang natutuwang pintahan ang pintang hindi sa kanila.

Silang hindi matuto-tutong tingnan ang sariling salamin habang buong pagod na nakatutok ang mga matang nangmamata.

Silang mga magagaling na bida-bidahang nagpapanggap bilang anak at magulang.

Umaga.

Mamumulat ang mga tulog na mga matang kanina lang ay nakatingin sa mundong perpekto.

At babangon sa tunay… Makakasama ang mga taong naghahanap ng lubos na kagalingan sa mundong hindi ganap.

Babangon sa kabihasnang patuloy na nagtatalo kung sino ang maliligtas.

…Sa kabihasnang patuloy na bumabagsak.

Magpapaagos sa lipunang nagtitinda ng kaluluwa upang makabili ng kapangyarihan.
At silang magulang na handang gumapang para makabili ng kalayaan.

Hindi magtatagal… Hihilain nilang mga mapagmasid na matang matagal ng naghahanap ng kamalian.

At gagawin kang parang baryang gasgas na kahit saan tignan ay wala ng mukhang ihaharap.

Makikita mo sila ngayon… Haharapin mo sila bukas. Kahit saan…

ng paulit-ulit… ulit.

“Ang bawat umaga ay simula.”– Ang umagang handog ng mga namumunong hindi marunong magpatuloy.

Silang mga pinuno na binubuhay ang kalayaang nabibili’t pinagbibili.
“Mabuhay!” — Mabuhay silang anak na unti-unting pinapatay ang kanilang buhay na dati nang sira.

At silang mga taong kinikitil ang pagiging magulang na hindi pa nga nagsisimula.
At kasama ang bawat akong sanay magreklamo ng hindi kumikilos.

Mamumulat at malalamang iilan lang ang nagtatanong…

At Magtatanong:

Saan ba tayo natutulog?

Sa mundong nandyan para maidlip?
O sa mundong sadyang ayaw lang gumising?